
Xian Lim remains mum on the issue involving him with IRS (US version of Bureau of Internal Revenue or BIR)
Sa gitna ng magagandang feedback na patuloy na tinatanggap ni Xian Lim sa kanyang makatotohanang pagganap bilang anak ni Gov. Vilma Santos sa pelikulang “Everything About Her,” ng Star Cinema, balitang nahaharap si Xian sa isang matinding problema sa America kung saan hinahabol umano siya ng IRS (American version ng Bureau of Internal Revenue or BIR sa Pilipinas) dahil sa napakalaking tax na babayaran niya roon.
Tila hindi naman alintana ni Xian ang nasabing balita ukol sa paghahabol umano sa kanya ng IRS sa Amerika. Mukhang hindi naman affected ang aktor o baka naman sadyang pinili niyang manahimik ukol dito dahil ayaw nitong palakihin pa ang nasabing isyu.
Sa kabila ng nasabing isyu, masaya naman si Xian na sa wakas ay napapansin ang kanyang pag-arte sa pelikulang nabanggit. Miski si Gov. Vi ay makapagpapatunay na mahusay nang umarte si Xian ngayon.
Hindi lahat ng artista nagsimula na magaling. Ang karamihan ay sadyang humuhusay sa katagalan ng panahon. Dahan-dahan silang natututo ar sa tamang panahon ay sadyang lumalabas ang galing bilang isang artista. Marami nga diyan ay late bloomer, ‘ika nga.
Si Xian ay isang patunay na kayang humusay ang isang artista sa larangan ng pag-arte basta’t maging seryoso lang ito sa kanyang craft. Sabi nga ni Gov. Vi, “Lahat dumadaan sa ganyan. Basta para sa akin, Xian is a revelation in our movie.”
All-praises ang Star for All Seasons kay Xian. Halos maluha-luha nga si Xian noong press conference nila. Hindi nito inaakala na mabibigyan siya ng positibong papuri sa kanyang pag-arte.
“I thank the press na pumupuna sa akin. I thank all my bashers dahil kung hindi sa kanila, hindi ako matsa-challege,” sabi ni Xian.