Yeng Constantino replaces Alex Gonzaga on ‘The Voice Kids Season 2’ as host
Sa pagbabalik ng best vocal competition for kids ngayong taon, isang bagong boses din ang maririnig na bibida sa puso at kwento sa likod ng boses ng mga bulilit – ang pop rock princess na si Yeng Constantino.
Makakasama ni Yeng bilang hosts ng ikalawang season ng “The Voice Kids” Season 2 ang isa sa premier TV hosts ng bansa, si Luis Manzano at ang reality star-turned-host at 4th degree cousin niya na si Robi Domingo.
Bago tanghaling Grand Star Dreamer ng ‘Pinoy Dream Academy’, nangarap din si Yeng na ibahagi ang kanyang musika at kwento kagaya ng kiddie artists sa ‘The Voice Kids’. At naging tuloy-tuloy na nga ang tagumpay ni Yeng sa music industry bilang isang multi-platinum recording artist na nag-release ng limang studio albums at isang live album. Ngunit higit pa sa taglay na boses, lalong hinahangaan si Yeng bilang isang award-winning na singer-songwriter na nagbubuhos ng kanyang puso at nararamdaman sa bawat kantang kanyang sinusulat, malungkot o masaya man ito.
Isa siya sa natatanging artists sa industriya na nagsusulat ng kanyang sariling mga awitin, gaya ng hits na ‘Hawak Kamay’, ‘Salamat’, ‘Pag-ibig’, ‘Lapit’, ‘Time In’, ‘Jeepney Love Story’, at ‘Chinito’. Pinakilig niya ang marami sa kanyang latest single na ‘Ikaw’, na ang music video ay nagsilbi ring prenuptial video para sa kasal nila ng kanyang asawang si Yan Asuncion. Kasalukuyan ding napapanood si Yeng sa ‘ASAP 20’ at dati nang nag-host ng musical variety show na ‘Music Uplate Live’.
Sa ‘The Voice Kids’ Season 2, magbabalik bilang coaches ang pinakarespetadong icons sa industriya na muling mamimili at huhusga sa pinakamagagaling na boses ng mga bulilit – ang Popstar Royalty na si Sarah Geronimo, Rock Superstar na si Bamboo, at Broadway Diva na si Lea Salonga.
Sino kaya ang susunod na mananaig at susunod sa yapak ng Season 1 grand winner na si Lyca Gairanod?
Abangan ang pagsisimula ng ‘The Voice Kids’ Season 2 ngayong Hunyo sa ABS-CBN.