
Ynez gives birth to baby girl: Kamukha ng tatay
Napaaga ang panganganak ni Ynez Veneracion. Imbes na August 8, nagsilang siya ng isang cute na baby girl last July 30, 2021.
Ito ay via caesarean sa St. Lukes Medical Center. Pinangalanan nila itong Jianna Kyler ng kanyang non-showbiz boyfriend na si Bryan Julius Recto.
Bakit napaaga ang panganganak niya?
Lahad ng aktres, “August 8 talaga ang due date, pero noong chineck ako ng OB ko, puwede na raw pala sa 38 weeks. Eh since excited ako, sabi ko sige sched na namin ng July 30.
“Eight kasi sana ang gusto kong number para lucky number, money sign, hahaha! Kaso iyon nga, batak na rin masyado ang tummy ko at anytime baka raw pumutok na ang water bag ko, kaya nag-decide na kami.
“Iyong 30 naman may zero rin sa dulo, so money sign pa rin, hahaha!”
Kuwento pa ni Ynez, “Yes, CS ako. ‘Di naman mahirap kasi pinatulog ako, ‘thou ni-request ko rin na sana medyo i-sedate ako, Kasi baka kapag ginawa nila na gising ako, baka magka-panic attack ako.
“Nagpuyat din ako para kapag binigyan ako ng pampa-sedate, makatulog ako talaga, hahaha! So pagkagising ko, ayun nasa labas na siya.”
Itinuturing ni Ynez na heaven sent ang kanyang second baby.
Aniya, “Nagulat ako, kasi kamukha ng tatay. Grogy pa ako sa anesthesia paggising ko, ang una kong narinig sa nurse, ‘Mam nandyan na baby mo, kamukhang-kamukha ng daddy, hahaha!’ So sabi ko, ‘Ahh… sige tulog na ako ulit hahaha!’
“Pero seriously, noong nakita ko siya ay parang nakalimutan ko lahat nang hirap ko ng nine months na dinala ko siya sa sobrang saya ko. Heaven sent talaga siya,” saad pa niya ukol sa kanyang baby.
Ano naman ang naging reaction ng kanyang BF?
Pahayag ng aktres, “Sabi niya noong nakita raw niya na lumabas si baby at narinig daw niya na umiyak, naluha raw siya sa tuwa. Nasa loob kasi siya ng OR, pinapasok siya ng doctor ko noong ilalabas na si baby, kaya medyo nasaksihan niya yung ibang ginawa sa CS.”
Ayon kay Ynez, two years na ang relasyon nila ni Bryan.
Related ba siya kay Sen Ralph Recto? “Ang daddy niya at saka si Sen. Ralph ay magpinsan,” pakli ng aktres.
Magpapahinga muna raw siya sa showbiz, para maasikasong mabuti ang kanyang baby.
Saad ni Ynez, “Yes, medyo pahinga muna ako.
Mayroon dapat akong project sa ABS CBN before nagkaroon ng pandemic, kaso yun nga, ‘di natuloy kasi nag-lockdown. Tapos dapat may guesting din ako sa GMA-7, kaso buntis at ‘di raw allowed sa taping ang buntis, kaya pinalitan na lang ako.”
Si Ynez ay may 10 year old daughter na nagngangalang Princess Keilah del Rosario.
Ano ang reaction ni Princess Keilah na may kapatid na siya?
Tugon ng aktres, “Naku, gustong-gusto! Tuwang-tuwa! Seven months pa nga lang ang tummy ko pinapalabas na niya, hahaha! Sabi ko, ‘Anak kalma. Kailangan pa niya mabuhay sa loob ng tummy ni mommy ng two months, otherwise kapag inilabas natin ngayon baka hindi siya mabuhay’.
“So eto na nga, paglabas ng baby, palagi siyang nasa room ko. Gustong buhatin, eh days pa lang, sobra pang lambot ng buto… kaya inaalalayan ko kapag hawak niya.
“Grabe! Ateng-ate siya! Nakaka-proud, kasi ang bait-bait niya sa kanyang kapatid. Akala ko nga magseselos eh, pero hindi, ang bait na ate.

“Hindi ko rin naman kasi binibigyan ng dahilan para magselos siya,” wika pa ni Ynez na isa rin sa Beautederm babies ng CEO at President nitong si Ms. Rhea Anicoche Tan.