
Zaijan Jaranilla plays an offbeat role in “Hamog”
by Archie Liao
Kung naging inspirasyon siya noon ng lahat sa kanyang mga makabuluhang pagganap bilang si Santino sa teleseryeng “May Bukas Pa” at bilang Enzo sa “Lorenzo’s Time,” ngayon namang 14 anyos na siya, pumapasok na si Zaijan sa panibagong yugto ng kanyang acting career sa pelikulang “Hamog” na kalahok sa 2015 Cinemaone Originals.
Ayon pa kay Zaijan, gusto niyang sundan ang yapak ni Piolo Pascual bilang isang magaling at de-kalibreng actor na nakasama niya noon sa mga Kapamilya teleseryeng “Hawak Kamay” at “Noah” kaya naman hindi niya tinanggihan ang kanyang kontrobersyal na role sa obrang ito ni Ralston Jover.
“Idol ko po talaga siya [Piolo]. Ilang beses ko na po siyang nakasama. Magaling po siya at marami po ang humahanga sa kanya. Gusto ko pong maging tulad niya,” bulalas ng batang aktor.
Tulad ni Nash Aguas na nakaranas din noon ng tinatawag bilang “awkward stage,” naka-focus si Zaijan sa kanyang pag-aaral noong mga panahong hindi ganoon ka-hectic ang schedule niya sa showbiz.
Sa kanyang pagbabalik, kakaiba at mapanghamon ang papel ni Zaijan bilang isang batang hamog sa pelikulang ito na may kaparehong titulo.
Ang mga batang hamog ay iyong mga batang lansangan na nagkalat sa Metro Manila na minsan ay sangkot sa mga nakawan at mga insidente ng “bukas kotse” sa lungsod. Sila iyong minsan ay banta sa seguridad ng mga mamamayan sa lansangan.
Ang kuwento nito ay base sa tunay na buhay.
Dagdag pa ni Zaijan, aminado siyang nahirapan siya sa shoot ng “Hamog” dahil sa real-life encounters nila sa mga batang hamog.
“Dahil lulong po iyong ilan sa rugby, nagiging bayolente po sila at nambabato ng mga dumadaan (motorista),” aniya. “Buti na lang, may kasama po kaming isang batang “hamog” na siya iyong nag-guide sa amin,” dugtong niya.
Bilang isang role model na dating tinitingala ng mga kabataan, hindi naman apektado si Zaijan sa magiging impact ng kanyang pagganap sa pelikula dahil bilang artista, trabaho lang daw niya ang magbigay buhay sa anumang role na iatang sa kanya.
Hindi naman ikinaila ni Zaijan na may mga crushes na siya at isa na rito ang Kapamilya young actress na si Andrea Brillantes.
Tungkol naman sa isyu ng napabalitang scandalous video ni Andrea na na-upload sa social media noon, ito ang naging komento ni Zaijan.
“Narinig ko nga po iyon, pero hindi po ako naniniwala na magagawa niya iyon dahil mabait po siya, sweet at kumportable pong katrabaho,” depensa ni Zaijan.
Ayon pa rin kay Zaijan, gusto niyang muling makasama si Andrea sa kanyang future projects.
Kabituin ni Zaijan sa “Hamog” sina Teri Malvar, Sam Quintana, Bon Lentejas at Kayline Alcantara kasama sina OJ Mariano, Anna Luna at Mike Liwag. May natatangi ring partisipasyon sina Lou Veloso, Junjun Quintana, Flor Salanga at Ruby Ruiz.
Ang 2015 Cinemaone Originals Filmfest ay gaganapin simula Nobyember 8 hanggang 17 sa Glorieta 4, Trinoma, SM Megamall at Resorts World Manila cinemas.