
Zanjoe, Maris describe Joel Lamangan as ‘Isa Pang Bahaghari’ director
Tinanong namin si Zanjoe Marudo kung kumusta katrabaho si Joel Lamangan. Artista ni direk Joel si Zanjoe sa Isa Pang Bahaghari.
Totoo ba ang bali-balita na nakakatakot katrabaho ang batikang direktor?
Ayon kay Zanjoe, “Unang-una, siyempre marami akong napanood na magagandang pelikula ni direk Joel and alam naman natin na may naririnig din tayo na istrikto talaga si direk Joel pagdating sa shooting.
“Pero hindi ko pinasok sa utak ko yun, mas nagtanong ako, nakipag-usap ako sa kanya kung paano ko gagawin, kasi para alam ko, para tama ang gagawin ko.
“Kasi kailangan magmukha talaga akong taga-doon sa lugar na gumagawa ng dried fish sa tabi ng dagat, iyon yung dapat, dapat yung kilos, galaw pati pagsasalita, barumbado talaga, bargas talaga.
“Iyon yung inayos ko talaga sa first day ko ng shoot, kasi hindi siya papayag na maamo yung mata ko, mabait yung pagsasalita ko.
“So iyon. Hindi naman ako nasigawan pero andun lagi ang kabog ng puso ko na baka magkamali ako.”
Sinegundahan ni Maris Racal ang sinabi ni Zanjoe.
“Agree po ako dun sa kabog ang dibdib,” natawa si Maris.
“Kasi first project ko po with direk Joel, so inisip ko yung first scene ko with him, make or break ko yun sa kanya, alam mo yung first impression talaga so parang I really gave my best.
“And surprisingly, si direk grabe! Sobrang maalaga po siya, sobra.
“As in kunwari mapadaan lang siya sa room nyo or sa standby area tatanungin ka niya, ‘Kumain ka na ba, anak?’
“Tapos anak talaga ang tawag niya sa iyo lagi.
“Tapos very strict man but alam mo yung matututo ka talaga in terms of kailangan memorized mo lahat, hindi ka nagtatanong na pagdating sa set.
“And may mga times na alam mo yung kino-comfort ka niya talaga, like ginagawa ka niyang comfortable sa set para hindi ka naiilang.”
May payo o tip si Maris sa mga tulad niyang nakababatang artista na hindi pa nakakatrabaho si direk Joel.
“Maa-advise ko lang sa iba, I would really recommend knowing your character talaga kasi ayaw niya ng mga tanong, na obvious, alam mo yun, na masasagot mo naman sa sarili mo.”
Si Maris ang gumaganap na young Nora Aunor sa Isa Pang Bahaghari.
“Totoo yung sinabi ni Zanjoe, kumakabog talaga yung puso namin kada nandun kami sa set,” ang bulalas naman ni Sanya Lopez tungkol pa rin kay direk Joel.
“Alam mo yung parang, ‘Masisigawan kaya ako?!’
“Thank God hindi kami nasigawan,” at tumawa si Sanya.
“Okay naman, happy naman si direk katrabaho dahil talaga namang tutok siya sa mga artista niya e, I mean kapag siguro talagang pakiramdam niya na kulang pa baka ipaulit ang eksena.
“Pero hindi naman, so far naman maganda naman yung mga sinabi ni direk, na natutuwa siya sa bawat eksena namin and iyon.
“Sweet si direk, actually! After ng eksena, iha-hug ka niya ‘Anak, okay ka lang anak.’
Kasama rin sa Isa Pang Bahaghari sina Phillip Salvador at Michael de Mesa, at sina Joseph Marco at Albie Casino.
Ang kumpanyang Heaven’s Best Entertainment ni Harlene Bautista ang producer ng Isa Pang Bahaghari na mapapanood simula December 25, araw ng Pasko.
Sa pamamagitan ng upstream.ph ay mapapanood ang Isa Pang Bahaghari.