
Zig Dulay, Joselito Altarejos, Ronald Carballo, Daniel Palacio, Ralston Jover direct this year’s Sinag Maynila finalists
Inanunsyo na ang mga kalahok sa ika-limang edisyon ng Sinag Maynila Filmfest na gaganapin ngayong Abril.
Mas pinalaki at pinaigting ang mga pelikulang kalahok dahil ang karamihan ay idinirehe ng mga award-winning directors at ang iba naman ay nanalo na ng awards sa mga international film festival.
Ayon kay Direk Brillante Mendoza, sinigurado raw nilang magaganda at de-kalidad ang mga kalahok ngayong taon dahil taon ito ng pagdiriwang ng ika-100 taon o sentenaryo ng pelikulang Pilipino.
Sa full-length category, ang limang finalists na nakapasok ay ang Akin ang Korona ni Zig Dulay, Jino to Mari ni Joselito Altarejos, Jesusa ni Ronald Carballo, Pailalim (Underground) ni Daniel Palacio at Persons of Interest ni Ralston Jover.
Ang Pailalim ay nagwagi ng Fedeora award o special mention sa San Sebastian International Film Festival noong 2017.
Sa kategoryang short films, napili naman ang mga sumusunod: Bisperas ni Ralph Quincena, Dana Jung ni John Rogers, Dude, Pare, Bro ni Lora Cerdas, Kilos ni Marjon Santos, Kiss, ni Harlene Bautista, Marian, ni Brian Patrick Lim, Memories of the Rising Sun ni Lawrence Fajardo, Nagmamahal, Sal ni Jeff Subrabas, Ngiti ni Nazareno ni Louie Ignacio at Panaghoy ni Alvin Baloloy.
Nauna na rito, tinanghal na best short film ang Ngiti ni Nazareno ni Louie Ignacio sa 41st LUCAS-International Festival for Young Film Lovers sa Germany samantalang ang “Kiss,” ang directorial debut ng actress-producer na si Harlene Bautista bilang best student film sa International Film Festival Manhattan 2018.
Pasok naman sa documentary category ang Andap nina Calista Allyson Geronima at Roma Mangahas, At Home ni Arjanmar H. Rebeta, Entablado nina Lie Rain Clemente at Nori Jane Isturis, Hope Spots ni Joseph Dominic Cruz, Hyatt: Mga Kuwento, Lihim, at Katotohanan ni Jayvee V. Bucait at Tata Pilo ni Dexter Macaraeg.
Magbubukas ang festival sa Abril 3 kung saan sa pambihirang pagkakataon, mapapanood ang tatlong master directors na sina Lav Diaz, Brillante Mendoza at Kidlat sa isang three-part omnibus film na “Lakbayan” bilang opening film.
Kaabang-abang din ang iba pang mga kaganapan sa prestihiyosong film festival ngayong taon dahil magkakaroon ng forum sa Abril 6 na dadaluhan ng mga international film luminaries tulad nina Joanne Goh, chairman ng Malaysian International Film Festival.
Meron ding Fellowship Night ang Film Development Council of the Philippines, screening at symposium ng environmental film na hatid ng The Plastic Solution, film editing workshop mula sa Edge Manila Creatives, at ang screening ng “Journey,” isang Asian three-fold mirror project ng Japan Foundation na idaraos sa Abril 8 na siya ring petsa ng closing ceremony ng festival.
Ang awards night ay gaganapin naman sa Abril 7.